Epicareer Might not Working Properly
Learn More
Career Guide Paano Makahanap ng Trabaho nang Matulin?

6 min read

Paano Makahanap ng Trabaho nang Matulin?

Alamin ang mga estratehiya at tips para makahanap ng trabaho nang mabilis. Mula sa paghahanda ng resume hanggang sa mga epektibong paraan ng networking, tuklasin ang mga hakbang para sa matagumpay na job application.

Lovely Ann

Updated May 29, 2024

Paano Makahanap ng Trabaho nang Matulin?

Lahat tayo ay nakasubok nang maghanap ng trabaho; may ibang mabilis na pinalad, mayroon din namang hindi kaagad natanggap.

Sa panahon ngayon, sa kagustuhang makapasok kaagad sa trabaho, hindi na nila nakikita kung sila ba’y makakatagal sa loob ng matagal na panahon.

Ang tanging mahalaga sa kanila ay kumita ng pera at makaipon. Sa kabilang banda, hindi rin naman ito isang pamamaraan, subalit, kung nais mong makahanap ng trabaho na iyo ring gusto, oras na para ikaw ay bumuo ng sariling estratehiya.

Mga Paraan upang Makahanap ng Trabaho nang Mabilis

May posisyon ka bang matagal mo nang inaasam na makuha?

Upang maging matagumpay ka sa iyong aplikasyon, narito ang mga paraan upang mabilis kang makapagsimula sa iyong trabaho:

Lumikha ng mga estratehiya

Nasakanayan na ng tao ang magsumite ng mga aplikasyon sa mga kompanya ngunit hindi sila bumubuo ng plano at estratehiya.

Sa paglika nito, kailangan mong isaalang-alang ang kompanya, sistema, kanilang pamamalakad, posisyon na iyong papasukin, deskripsyon at responsibilidad mo sa trabaho, lugar, at saklaw ng iyong sweldo.

Magsaliksik sa merkado ng trabaho.

Kung alam mo ang gusto mong maging trabaho, umpisahan mo ring magsaliksik sa mga merkado nito.

Maraming kompanya ang may kasalukuyang bukas na aplikasyon, at karamihan sa kanila ay malapit lamang sa iyong tinitirahan, o di kaya ay kaya mong bumyahe patungo rito.

Hindi lamang iyan, kailangan mo ring suriin kung akma ba sa magiging posisyon mo ang dami ng gawain ng iaatang sa’yo, at nakalinya ba sa iyong kakayahan.

Mahalaga rin na magsaliksik ka tungkol sa kompanya, magbasa ng mga rebyu ng mga dating manggagawa ng kompanya, o di kaya ay makipag-ugnayan sa kanila at sa kanilang karanasan habang sila’y nagtatrabaho pa rito.

Ihanda ang iyong mga kagamitan para sa aplikasyon.

Iba-iba ang dokumentong hinahanap ng bawat kompanya sa kanilang mga aplikante, ngunit, hindi mawawala rito ang resume o curriculum vitae, liham ng aplikante, at portpolyo kung kinakailangan.

Kaugnay nito, nararapat na ang iyong resume at liham ay maayos, makatotohana, mayroong kumpleto at payak na impormasyon, madaling mabasa o marebyu ng mga tagapamahala, at hindi lalampas sa dalawang pahina.

Bukod pa, kinakailangan ding mayroon kang pormal at maayos na email adress dahil ito ang iyong magiging plataporma para sa lahat ng iyong magiging aplikasyon. Dito ka makatanggap ng mga mensahe, at notipikasyon, at dito mo rin maaaring itago lahat ng dokumentong iyong hinanda at inipon.

Gumawa ng sariling networking

Sa paggawa ng sariling pangalan sa aplikasyon, pwede ring bumuo ka ng iyong networking:

1. Magmensahe nang direkta sa mga kompanyang nagpapaskil ng trabaho

Kung ikaw ay nag-aplay sa isang kompanya at wala ka pang natatanggap na mensahe mula sa kanila, maaari kang magmensahe at magtanong, ngunit kinakailangang gumamit ka pa rin ng pormal na paraan upang sila padalhan ng email, at iwasan ang tunog na mensahe na pakiwari’y ikaw ay nagmamadali.

2. Maghanap ng trabaho sa inyong lugar, at magtanong-tanong kung may bukas na posisyon

Sa paghahanap ng trabaho, marami ka ring panahon para maghanap sa loob ng iyong komunidad.

Maaaring maraming oportunidad din ang naghihintay sa iyo rito, subalit, kailangan mo rin itong paghandaan, maglaan ng pera para sa iyong pamasahe kung walang sariling sasakyan, at kumpletuhin ang mga dokumentong dala lalo na ang iyong resume.

3. Maglaan ng oras upang palawakin ang iyong network

Ang paghahanap ng trabaho ay inaabot ng hindi lamang araw, linggo, o buwan.

Maaaring ito ay umabot ng taon, kaya naman bilang isang aplikante, ang pagpapalawak ng iyong network ay malaking pundasyon upang ito’y magamit sa iyong karera.

Bukod sa paghahanap ng trabaho sa onlayn, pwede kang sumali sa mga grupo sa iba’t ibang plataporma, dumalo sa mga webinar o talakayan, mag-aral ng maikling kurso sa onlayn o departamento upang makakuha ng sertipiko o diploma, lumahok ng mga job fair.

4. Tumungo sa mga job fair

Ang job fair isang bukas na plataporma para sa mga kompanyang nag-aalok ng trabaho sa mga tao, nakikipag-ugnayan nang direkta sa mga aplikante sa pamamagitan ng interbyu.

Kung alam mong mayroong nakatankdang job fair malapit sa iyong lugar, mangyaring alam mo ang araw at oras kung kailan ito mag-uumpisa, ano-ano kompanyang ang dadalo roon, at ang ang mga trabahong kanilang inaalok.

Magsanay at humanda para sa isang interbyu

Marahil noong ikaw ay nag-aaral pa, sinubok ka na ng iyong instruktor kung paano ang tamang pagsagot sa mga interbyu. Pero kung wala kang ideya kung paano tumatakbo ang isang interbyu, maaari mong gawain ang mga sumusunod:

Una, magbasa-basa tungkol sa kompanyang iyong in-aplayan. Tumungo ka sa kanilang website, social media, mga rebyu, ulat at artikulo tungkol sa kanila.

Magsanay ka sa paraang ng iyong pagsagot. Kadalasan sa mga kompanya ay Ingles ang wika na ginagamit sa interbyu. Maaari mong ihanda ang iyong sarili sa pagsagot ng mga sumusunod na tanong:

Huwag magpakampante at maghanda ng isang araw bago ang iyong interbyu. Siguraduhing kumpleto ang bawat dokumento hinahanap ng kompanya mula sa’yo.

Ang kaba ay kasama sa proseso. Kung nakakaramdam ng presyur, tandaan na ito ay kasama sa iyong proseso bilang isang aplikante.

Ang pangamba na baka ikaw ay pumalpak o hindi maging tama ang iyong mga sagot, o hindi sapat ang iyong kakayahan para makipag-usap. Ngunit, pakalmahin din ang sarili at ituon ang pokus sa darating mong araw ng interbyu.

Ano ang mga dapat iwasan habang naghahanap ka ng Trabaho?

Sa paghahanap ng trabaho, hindi maiiwasan ang mga pagkakamali sa umpisa. Sa kabilang banda, nararapat na ika’y maging metikuloso pagdating sa iyong paghahanda dahil kinikilatis ng bawat kompanya ang bawat detalye ng mga dokumento mong ipinasa. Upang maiwasan ang mga pagkakamali, narito ang ilan sa dapat mong tandaan.

1. Magpasa nang magpasa ng resume o curriculum vitae sa mga kompanyang iyong makita nang hindi ito inaayos o inoorganisa

Iwasan ang pagsusumite ng aplikasyon nang hindi inaayos ang sariling resume o curriculum vitae. Maging wais at basahing maigi ang deskripsyon ng posisyong iyong gustong pasukin, at itasa kung ito ba ay nakalinya sa nilalaman ng iyong papel.

2. Mga maling nakalagay sa iyong resume o curriculum vitae

Maging metikuloso sa mga detalye ng iyong resume o curriculum vitae. Tingnan kung angkop ang buod ng iyong posisyon na nais, at ito ay konektado sa trabahong gusto mong pasukan.

3. Hindi paggamit nang maayos sa iyong plataporma, kagaya ng LinkedIn o Epicareer

Parating bisitahin ang iyong platarpomda sapagkat ang mga kompanya ay nagsusuri din ng profile ng kanilang mga aplikante, at mula rito ay titingna nila kung sila ay makakatuntong sa susunod na proseso ng aplikasyon.

4. Walang organisasyon sa iyong aplikasyon

Ang pagiging organisado ay malaking tulong upang makaiwas sa pagkalito. Kung ikaw ay hindi maingat, maaari mong makita ang iyong sarili kung saan nagpadala ng notipikasyon ang hiring manager at hindi mo alam ang posisyong iyong inaplayan. Para maiwasan ‘to, gumawa ng listahan upang maging palatandaan mo sa paghahanap ng trabaho:

  • Mga Trabahong Naaplayan Na
  • Araw kung Kailan ka Nagsumite ng Aplikasyon
  • Mga Kompanya Nagpadala Sa’yo ng Sagot
  • Araw ng Interbyu

5. Pagiging kampante at hindi paghahanda sa darating na interbyu

Ang hindi paghahanda sa interbyu ay isang malaking sanhi upang ikaw ay hindi matanggap sa trabaho. Hindi lahat ng kompanya ay pare-pareho ang tanong na ibinabato sa kanilang mga aplikante, at mula rito, kailangang maging maalam at maingat ka, at maging handa sa paraan ng iyong pagsagot.


Bago ka makahanap ng trabaho, gaano man ito kabilis, ay daraan ka pa rin sa masusing proseso at preparasyon.

Ang Epicareer ang gagabay sa iyo para ikaw ay maging matagumpay sa iyong aplikasyon, kaya huwag kalimutang sumuskribi sa website, at buksan ang notipikasyon.

Lovely Ann

SEO Content Writer

Lovely Ann has over 4 years of freelance writing experience and has received extensive training in writing journals, programs, and web-based content such as blogs, product reviews, and other pieces.

Topic tags

Share this article

Related Articles